Gaano pa
karaming liko
ang kailangan mo
para lang makita mong
nakarating ka na
sa destinasyong
ninanais mo?
Ilang ikot
pa ba sa ferris wheel
ang kailangan
para lang masabi mong
hilo ka na
sa paulit-ulit na
takbo ng kasalukuyan?
Ilang sugat pa ba
na dulot man ng salita
bagay
o ng iyong kapwa
ang kailangang
maukit sa iyong
katawan
isip
pagkatao
bago mo
maisip na ayaw mo
na ng itsura mong
palaging nababalutan
na lamang
ng band-aid?
Hanggang kailan ka
magpapaalipin sa kahapon
at sa mga pangako
ng bukas
na maaaring
hindi mangyari
sa sadya mong hindi
pagkilos?
Ilang tasa pa
ng kape
tsaa
o kung anuman
ang kailangan
para lang manatili
kang gising
sa mundong unti
unti kang hinehele
hanggang sa ika'y
matuwa na lamang
at makuntento
sa kung anong
puwede
pa sanang
mabago?
...
Kumakatok ang pagkakataon.
Naririnig mo ba?
Gising na.
(2008 Copyright Cddyqa Rogel)